Binigyang-diin ni Senador Mark Villar na panahon nang amyendahan ang Right of Way Act o ang Republic Act 10753 para masigurong matutugunan nito ang pangangailangan ng iba’t ibang implementing agencies.
Sa pagtalakay ng panukala para dito, sinabi ni Villar na dapat mapag-aralan kung paanong maililinya sa nagbabagong infrastructure landscape ang batas.
Dapat rin aniyang tiyakin na ang mga implementing agencies ay mabibigyan ng sapat na kapangyarihan na matupad ang kanilang mandato.
Partikular na pinatitiyak ng senador ang pagbalanse sa infrastructure development plans ng gobyerno at sa karapatan ng mga private property owners sa patas na kompensasyon.
Ayon kay Villar, kailangang masiguro na ang gagawin nilang pagbabago sa batas ay makakaresolba sa compensation issues ng private property owners na apektado ng government infrastructure projects, lalo na ang pagbabayad sa kanila ng tama sa oras at sa sapat na halaga.
Naniniwala ang mambabatas na ang pagresolba sa isyu ng Right of Way Acquisition ay magbubunga ng pagiging timely at episyente ng mga high impact infrastructure projects ng pamahalaan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion