Personal na binista ng Singaporean President Tharman Shanmugaratman ang lungsod ng Taguig upang palakasin pa ang ugnayan nito sa bansa partikular na sa kolaborasyon sa larangan ng kalusugan.
Sa nasabing kaganapan, binigyang-diin ni President Tharman ang pagpapahalaga sa kalusugan ng mga ina at mga bata, lalo na sa kanilang unang dalawang taon. Binanggit din nito ang responsibilidad ng komunidad sa pagtitiyak na mabigyan ng magandang simula ang mga bata, partikular ang mga nanganganib magkaroon ng problema sa kanilang paglaki.
Ipinahayag naman ni Mayor Lani Cayetano ang mga hakbang ng Taguig para pagandahin ang serbisyong pangkalusugan at ang dedikasyon ng lungsod sa pangangalaga sa mga ina at bata sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Temasek Foundation ng Singapore at KK Women’s and Children’s Hospital.
Lumagda rin ang Taguig ng dalawang kasunduan upang palakasin ang serbisyong pangkalusugan nito lalo na para sa mga komunidad na hindi naaabot nito. Layunin ng mga kasunduang ito na magbigay ng digital healthcare access sa 350,000 residente ng lungsod at pagandahin ang mga pasilidad pangkalusugan ng mga ina at bata.
Ang nasabing pagbisita ng Pangulo ng Singapore ay bahagi ng tatlong araw na State Visit nito sa bansa na nagsimula noong araw ng Huwebes. | ulat ni EJ Lazaro