Inilatag ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) ang ilang alternatibong masasakyan ng kanilang mga mananakay sa pansamatalang pagsasara ng LRT-1 tuwing weekends simula ngayong araw, August 17.
Ilan sa mga alternatbong masasakyan na itinuro ng LRMC ay ang pagsakay sa mga bus mula Malanday patungong MOA, EDSA Carousel na may biyaheng Monumento hanggang sa PITX, o hindi naman kaya ang pagsakay sa UV Express na nagmumula sa SM Fairview hanggang Buendia.
Ilang traditional at modern jeep din ang sinasabing bumibiyahe sa ilang ruta na maaaring makaagapay sa mga mananakay tuwing weekends.
Ang isasagawang pansamantalang pagsasara ng serbisyo ng LRT-1 mula sa Fernando Poe Jr. Station hanggang Baclaran Station sa loob ng susunod na tatlong weekend: Agosto 17-18, Agosto 24-25, at Agosto 31-Setyembre 1, 2024 ay kinakailangan umano bilang paghahanda para sa pagbubukas ng LRT-1 Cavite Extension Phase 1.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng LRMC sa mga ahensya ng gobyerno, kabilang ang Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), MMDA, at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos na pagbiyahe ng mga mananakay sa panahon ng temporary weekend closure.
Humihingi ring paumanhin ang LRMC sa anumang abala at nagpapasalamat sa publiko sa kanilang pag-unawa habang pinapabuti nito ang sistema ng LRT-1. | ulat ni EJ Lazaro