Katuwang ang Bureau of Customs (BOC), Bureau of Plant Industry (BPI), at Navotas LGU ay nag-inspeksyon ngayong umaga si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. sa isang warehouse sa Navotas na may lamang mga puslit na agri products mula sa China.
Matatandaang noong August 15 nang masabat ang nasa 300 metriko tonelada ng smuggled na mga white onions at imported carrots gayundin ang imported na kamatis, enoki mushrooms, mga pasta, at mga nakaboteng pickled salad.
Ayon kay DA Sec. Tiu-Laurel, egg tart at kimchi ang deklaradong laman ng nasa import permit ng kumpanya ngunit pinalusot dito ang agri products na nasa tinatayang ₱30-milyon ang halaga.
Aniya, natunton ang warehouse sa tulong ng isang tip kaya agad ring iniutos ang pagsuspinde ng import permits para sa mga produktong ito.
Natukoy pa ng Navotas LGU na wala ring business permit at building permit ang naturang warehouse na mayroong sariling cold storage facility.
Awtomatiko naman aniyang blacklisted na ang consignee ng smuggled products.
Ayon sa kalihim, mapanganib sa kalusugan at kaligtasan ng mamamayan ang mga produktong ipinupuslit sa bansa.
Isa rin aniya ito sa mga dahilan kung bakit nalulugi ang mga magsasaka kaya pinatututukan talaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsugpo sa smuggling ng agri products.
Sa ngayon, tuloy-tuloy na rin ang imbestigasyon ng BOC para matunton ang consignee at mapanagot sa batas. | ulat ni Merry Ann Bastasa