21 probinsya at 17 rehiyon na ang naikot ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair.
Ito ang ibinahagi ni House Deputy Secretary General at BPSF National Secretariat lead Sofonias Gabonada Jr. sa panayam ng House media sa unang BPSF Agency Summit.
Aniya, sa unang taon ng serbisyo caravan, 2.5 milyong Pilipino na ang nakabenepisyo sa programa.
Higit aniya itong mataas sa isang milyong target nila nang ilunsad ang programa.
Umabot naman na aniya sa 10 bilyong pisong cash assistance ang naipamahagi.
“In terms of number of beneficiaries around 2.5 million families was able to benefit from this program around 10 billion pesos worth of programs projects and services including ‘yung cash assistance na ibinaba natin. So ganito na kalawak ‘yung narating ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair. We started with a small target, sabi namin isang milyong Pilipino lang ang gusto natin matulungan. Pero as of one year na implementation ng BPSF, 2.5 milyong pamilya na nabigyan natin ng benepisyo,” saad ni Gabonada.
Isang pag-aaral din aniya ang ginawa ng NEDA Region 8 sa economic impact ng pagdaraos ng BPSF sa mga probinsya.
Aniya sa pagbaba ng financial infusion sa mga lokalidad ay lumalakas din ang economic activities.
“Sobrang laki kasi nung financial infusion na binigay natin sa mga local economies. At ‘yan din ang utos ng Pangulong Bongbong Marcos at Speaker Martin Romualdez na dagdagan pa yung lahat ng financial assistance na binibigay natin tuwing Bagong Pilipinas Serbisyo Fair at maintindihan din natin because nagkaroon ng mas malaking economic activity sa mga lugar na napuntahan natin. Could you imagine, for example, one billion pesos na cash ang binababa natin usually sa mga lugar na may BPSF,” ani Gabonada.
Sa August 24 ay sa Batangas dadalhin ang BPSF na susundan aniya ng Cavite at Pangasinan. | ulat ni Kathleen Forbes