Panibagong insidente ng aggression ng China sa West Philippine Sea, mariing kinondena ni Speaker Romualdez

Facebook
Twitter
LinkedIn

Tinuligsa at kinondena ni Speaker Martin Romualdez ang panibagong insidente ng agresibong maniobra ng China Coast Guard sa mga barko ng Philippine Coast Guard, Lunes ng umaga.

Ayon kay Romualdez, ang panggigipit na ito ng China na nagresulta sa pagkabangga ng BRP Bagacay at BRP Cape Engaño sa West Philippine Sea ay hindi makatwiran at posibleng umabot pa sa isang trahedya.

Isa rin aniya itong banta sa ating soberanya at tahasang paglabag sa international law, partikular ang UNLCLOS.

Apela ng lider ng Kamara sa China, na ihinto na ang mga panggigipit nito na nagdudulot ng kapahamakan sa buhay.

Paalala niya na ang pagresolba sa usapin ay idinadaan sa diyalogo at hindi sa dahas.

“The path forward must be one of dialogue and mutual respect, not confrontation and aggression. The safety and security of our region depend on it We remain resolute in our commitment to uphold the dignity and sovereignty of the Republic of the Philippines. We will continue to work with our allies and partners to ensure that the rule of law prevails in the West Philippine Sea,” saad ni Romualdez.

Nakakabahala na aniya ang tila pattern ng paulit-ulit na pagpapalala ng China sa tensyon at pagbalewala sa rule of law sa West Philippine Sea.

Hinikayat naman ni Speaker Romualdez ang world community, na huwag ipagsawalang bahala ang mga mapanganib na hakbang na ito ng China na banta sa regional stability at freedom of navigation.

Hindi naman aniya magpapatinag at magpapadala sa pambu-bully ang Pilipinas at patuloy na poprotektahan ang ating national interest.

“The Philippines will not be cowed by intimidation or coercion. Our Coast Guard vessels will continue their vital missions, including delivering supplies to our outposts in the West Philippine Sea, and we will not relent in our pursuit of protecting our national interests,” giit niya. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us