Sang-ayon si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na dapat nang rebyuhin ang komposisyon ng food basket na naging batayan sa datos na ₱64 food threshold.
Ayon sa kalihim, napapanahon nang muling pag-aralan ang food basket kasama na ang halaga nito upang mabilis na makaagapay sa anti hunger program ng pamahalaan.
Sakaling marebisa ito ay magkakaroon aniya ng mas updated na datos na maaaring maging basehan para sa implementasyon ng programa para sa mahihirap tulad ng Walang Gutom 2027: Food Stamp Program (FSP).
Ito ang flagship priority program ng ahensya na layong wakasan ang involuntary hunger na nararanasan ng mga low-income earners at tulungan silang makaagapay at maging productive citizen batay na rin sa whole-of-nation approach.
Ngayong taon, tuloy-tuloy ang pagpapalawak ng food stamp hanggang sa maabot ang target na isang milyong benepisyaryo sa 2027. | ulat ni Merry Ann Bastasa