Nanawagan ngayon si Bicol Saro party-list Rep. Brian Yamsuan para sa agarang pagpapatibay ng panukala na layong palawakin ang listahan ng libreng bakuna na maaaring ibigay sa mga Pilipino.
Sa kaniyang House Bill 1092, isasama na sa listahan ng mga bakuna na sakop ng National Immunization Program ang pneumococcal conjugate vaccine, rotavirus, Japanese encephalitis, human papilloma virus (HPV), boosters para sa measles, at bakuna kontra rubella, tetanus, at diphteria.
Maaari din isama ang iba pang bakuna na tutukuyin ng kalihim ng department of health batay sa rekomendasyon ng Kongreso at health expert group na bubuoin sa ilalim ng panukala.
Giit ni Yamsuan, ngayong mas marami na vaccine-preventable disease ay mahalaga mapalawak na rin ang saklaw ng mandatory immunization program hindi lang sa mga sanggol at bata ngunit sa lahat ng life stages ng isang indibidwal.
“Dapat ay maging proactive tayo at laging handa sa halip na maging reactive lang ang aksyon pagdating sa kalusugan, lalo na ng ating mga anak,” ani Yamsuan.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas nasa sampung bakuna (tuberculosis; diphtheria, tetanus and pertussis; poliomyelitis; measles; mumps; Rubella or German measles; hepatitis-B; and the H. Influenza type B (HIB)) lang ang sakop ng mandatory basice immunization service at para lamang sa mga sanggol at bata.
Bubuo sa ilalim ng panukala ng National Immunization Technical and Advisory Group (NITAG) upang tulungan ang DOH sa paglalatag ng polisiya, plano at istratihiya para sa epektibong pagpaptupad ng immunization program. | ulat ni Kathleen Forbes