Hiniling na ng Federation of Free Farmers sa Kongreso na imbestigahan ang umano’y anomalya sa training grants na ipinagkakaloob ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mga magsasaka.
Ayon sa farmers group, ilang TESDA provincial personnel ang humihingi ng hanggang 30 percent na “under the table” advances mula sa mga farm school owner o manager.
Kapalit nito ang approval at release ng P10,000 hanggang P12,000-grant ng TESDA para sa bawat farmer scholar.
Anila, maging ang ilang tumatayong ahente ng elected politicians na kasabwat ang ilang tauhan ng TESDA ay humihingi din ng kabayaran.
Ang TESDA ay tumatanggap ng alokasyon na P700 milyon taon-taon para sa training ng mga magsasaka ng palay sa pinahusay na farming technologies sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement (RCEF). | ulat ni Rey Ferrer