Makakaasa ang mga Pilipino na hindi titigil ang Marcos Administration sa pagpapatupad ng mga inisyatibo na layong pa-igtingin ang serbisyong publiko.
Isang halimbawa dito, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF), na isang patunay aniya na sa pagkakaisa ng lahat, mas marami ang magagawa para sa mga Pilipino.
Sabi ng pangulo, kung magtutulungan ang lahat, magtatagumpay ang bansa na baguhin, pabilisin, at ilapit pa sa publiko ang mga serbisyo ng pamahalaan.
“Patunay lamang ito na marami tayong magagawa sa bayan basta’t tayo’y nagkakaisa. Kaya nating baguhin, pabilisin, at ilapit sa mga mamamayan ang serbisyo ng pamahalaan. Sabi nga nila, basta’t gugustuhin natin, mahahanapan natin ng paraan,” -Pangulong Marcos.
Para naman sa mga kabalikat na ng gobyerno sa layuning ito, umaapela si Pangulong Marcos na panatilihin ang kanilang dedikasyon sa public service at pahalagahan ang tiwala ng publiko.
“At dahil ginusto at isinapuso ninyo, naging matagumpay ang BPSF. Kaya naman, para sa ating mga lingkod-bayan, local government, at ibang katuwang sa adhikaing ito, salamat naman sa inyong dedikasyon, at walang sawang paglilingkod, at ang inyong sakripisyo.” -Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan