Dinepensahan ng Department of Justice (DOJ) ang paglalabas ng sampung milyong pisong reward money para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na maaaring magbunga ng pagkakaaresto kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.
Sa pagdinig sa Senado, pinaliwanag ni justice Undersecretary Nicolas Felix Ty na legal ito dahil bahagi ng kanilang trabaho sa justice sector na ipatupad ang mga criminal law at hindi nila ito magagampanan kung hindi nila mahahanap ang mga akusado.
Klaro rin aniya sa mga batas at sistema sa batas na hindi pinagbabawal ang pag-aalok ng reward para mahanap ang isang akusado at maiharap ito sa korte.
Dinagdag rin ng opisyal na wala ring distinction sa batas ng bansa tungkol sa source ng pabuya kaya maaari rin itong manggaling sa mga pribadong indibidwal.
Matatandaang nahaharap si Quiboloy at limang iba pa sa kasong child abuse sa Davao City court habang naglabas naman na ang Pasig City Court ng warrant of arrest para kasong human trafficking.
Sa parehong pagdinig ay binigyang diin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Bejamin Abalos Jr. na hanggang ngayon ay wala siyang hinahawakan o natanggap na reward money para kay Quiboloy.
Giniit ni Abalos na hindi siya kailanman nag-solicit para sa reward money at ito ay tulong lang para mahuli na si Quiboloy.| ulat ni Nimfa Asuncion