Siniguro ng Department of Migrant Workers (DMW) na may mga nakahandang trabaho sa Pilipinas para sa mga Pilipinong magbabalik-bayan mula Lebanon.
Ayon sa DMW, nagsanib-pwersa ang TESDA, Department of Labor and Employment, Department of Tourism, at Department of Agriculture upang magbigay ng iba’t ibang oportunidad sa paghahanapbuhay para sa mga Pilipinong uuwi mula sa nasabing bansa.
Kabilang dito ang mga pagbibigay ng livelihood assistance, pagsasanay sa entrepreneurship, at pagpapaunlad ng kasanayan.
Matatandaang marami sa mga OFW sa Lebanon ang tumanggi sa repatriation dahil sa takot na mas maghirap sila sa Pilipinas kaysa sa panganib ng giyera sa Lebanon. Samantala, pinapayuhan ang mga Pilipinong ayaw pang umuwi na lisanin muna ang mga lugar na Beirut, South Lebanon, at Bekaa Valley, at lumipat sa mas ligtas na bahagi ng Lebanon. | ulat ni Diane Lear