Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na nasa ligtas na lugar ang 23 Filipino crew members na narescue sa Red Sea.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na nakipagpulong na siya sa pamilya ng mga tripulante dito sa bansa.
Siniguro sa kanila ng kalihim na mabibigyan ng ibat-ibang porma ng tulong ang mga pinoy seafarer mula sa DMW-Overseas Workers Welfare Administration (DMW-OWWA), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa sandaling makauwi na sila sa bansa.
Sa ngayon, nasa proseso na ng agarang repatriation ang mga seafarer ng Department of Foreign Affairs (DFA), DMW at OWWA.
Sinabi ni Cacdac na tinamaan ng missiles ng Houhti rebels ang M/T Sounion sa Yemeni Port of Hodeidah noong Agosto 21 na sinasakyan ng mga Pinoy crew member.
Matagumpay naman silang nasagip ng French Navy. | ulat ni Rey Ferrer