Kumbinsido na si Quad Committee co-Chair Joseph Stephen Paduano na iisa lang ang Whirlwind Corporation at Lucky South 99.
Sa naging pag-usisa ni Paduano kay Cassandra Ong na umaming shareholder ng Whirlwind at representative ng Lucky South 99, sinabi ni Ong na iisa lang ang mga may-ari ng dalawang kumpanya.
Lumalabas kasi na maliban sa magkakaparehong personalidad na nagsilbing direktor at shareholder ng dalawang kumpanya, lumagda si Ong sa isang sub-lease contract bilang kinatawan ng Lucky South 99 at sa ikalawa naman ay para sa Whirlwind.
Paliwanag ni Ong, nauna lang nairehistro sa SEC ang Lucky South.
Ngunit nito aniyang 2023 ay naibenta na ito at may iba nang may-ari ang Lucky South.
Isa pang resource person na si Stephanie Mascarenas na naunang nagtrabaho kay Ong sa Whirlwind ay positibong itinuro ang isang Duanren Wu na siyang boss sa Whirlwind at Lucky South 99.
Kinumpirma rin ni Mascarenas ang pahayag ni Ong na ang Whirlwind ay isang realty company na nagpaupa ng building sa Lucky South na aniyang service provider na kalaunan na lang niya nalaman ay nagpapatakbo pala ng mga POGO. | ulat ni Kathleen Forbes