Sinuportahan ng mga mambabatas ang apila ng Department of Transportation (DOTr) na dagdagan ang kanilang budget para sa active transport o pagtatalaga ng mga bike lanes sa buong bansa.
Sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program, nasa ₱60-million lamang ang budget na inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) sa kabila ng ₱2.6-billion na kanilang request.
Sa budget deliberation ng DOTr, nanawagan si 1-Rider Party-list Representative Rodge Guttierez sa kanyang mga kasamahan na i-recalibrate ang budget sa active transport, habang ayon naman kay Kabataaan Raul Manuel, kung hindi dadagdagan ang budget ay hindi makakamit ang hangarin ng DOTr na hikayatin ang publiko na ikunsidera ang alternative modes of mobility.
Paliwanag ni DOTr Undersecretary Jesus Ferdinand Ortega plano ng DOTr na makapaglatag ng mahigit sa 2,000 pang bike lanes sa susunod na taon at pedestrian walkways. | ulat ni Melany Valdoz Reyes