Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na pwedeng malipat sa isang tunay na kulungan si Shiela Guo kung hindi pa rin ito magsasabi ng totoo sa imbestigasyon ng Senado.
Sa ngayon ay nananatili sa Senate detention facility si Shiela Guo dahil sa icontempt order ng Senate Committee on Women para sa hindi nito pagdalo sa mga unang pagdinig ng kumite.
Para kay Gatchalian, may butas at inconsistencies pa sa mga naging pahayag ni Shiela sa pagdalo nito sa pagdinig ng Senado noong Martes.
Hindi pa rin kasi kumbinsido ang senador sa mga testimonya ni Shiela, gaya ng sa paraan nila ng paglabas ng bansa kasama si Alice Guo at ang kanyang kaugnayan at kaalaman sa mga kumpanya ng mga Guo.
Aminado si Gatchalian na mas komportable sa Senate detention facility kung ikukumpara sa ibang kulungan kaya maaaring ito ang dahilan kung bakit malakas ang loob nitong magsinungaling.
Sa Kamara, una nang binalaan si Cassandra Li Ong na mailipat sa Women’s Correctional Facility sa Mandaluyong pero hindi na ito natuloy. | ulat ni Nimfa Asuncion