Hinikayat ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino ang mga kasamahang mambabatas na suportahan ang pagbibigay ng dagdag na pondo sa Department of Transportation (DOTr).
Ito ay matapos makuwestyon ng lady solon ang problema sa kulang na beep cards ng Metro Rail Transit (MRT).
Aniya, malaking abala sa mga pasahero na nagkakaubusan pala ng beep cards.
May isa rin aniyang overseas Filipino worker (OFW) silang nakausap na napilitang bumili sa scalper ng beep card sa mas mataas na halaga.
“Bakit nagkakaroon ng shortage ng supply ng SVCs? May historical data ba at hindi ba napo-project naman ang increase sa demand ng SVCs batay na rin sa volume ng ridership ng MRT3?”, tanong ni Rep. Magsino.
Paliwanag naman ni Transportation Assistant Secretary Jorjette Aquino na namumuno sa MRT-3, hindi na sapat ang pondong nakalaan para sa SVCs.
Noon aniyang 2018 ay mayroong budget para sa 450,000 cards ngunit para sa mga taong 2023 hanggang 2024 ay bumaba ang funding allocation kaya nasa 200,000 cards lang ang kanilang nabili.
Pag amin ng opisyal, na hindi kayang punuan ng kasalukuyang suplay ng SVCs ang demand lalo na’t ang average na bilang ng mga pasahero ng MRT-3 araw-araw ay umaabot sa 450,000.
Dahil dito umapela si Magsino, na madagdagan ang budget ng ahensya para matiyak na laging may sapat na suplay na beep cards na magagamit ng mga mananakay.
“Kung kulang po ang budget upang masiguro ang steady supply ng SVCs, ako po ay nananawagan na dagdagan po ito para sa procurement ng SVCs. Priority ito dahil para ito sa kapakinabangan ng mga pasahero ng MRT-3 na maraming mga pangkaraniwang mamamayan ang umaasa sa public transport na ito, kasama na po ang ating OFWs at kanilang pamilya.” ani Magsino | ulat ni Kathleen Forbes