Abala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at LGUs, para sa pangkabuuang tugon na ginagawa ng pamahalaan sa Bagyong Enteng.
Tugon ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nang tanungin kung magpapatawag pa siya ng pulong kasama ang tanggapan, sa gitna ng nararanasang epekto ng bagyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sabi ng Pangulo, tuwing mayroong ongoing na krisis o kalamidad sa bansa, iniiwasan niyang ipatawag ang NDRRMC, lalo’t abala sa trabaho at ginagawang pagtugon ang mga ito.
Bukod dito, palagi namang nagbibigay ng update ang tanggapan, kung ano na ang pinakahuling sitwasyon sa bawat apektadong lugar.
“They are working. Alam mo that’s always my policy. Pagka nasa gitna ng krisis, hindi ko sila tinatawag dahil nagtatrabaho sila. Besides, they keep reporting naman to me ‘yung sa specific areas, doon lang naman nagbabago.” — Pangulong Marcos.
Sabi ng Pangulo, papasok lamang sila, kung mayroong abiso o impormasyon na kailangang maipabatid sa publiko.
“Kung ano man ang area na affected that’s we are monitoring and we will give the advisories as quickly as we can. So, doon kami pumapasok sa national government. That’s when we come in and make the advisories as to whether or not may pasok sa eskwela, may pasok sa trabaho.” — Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan