Sinimulan na ng pamahalaang lungsod ng Antipolo ang paghahanap sa apat na napaulat na nawawala matapos anurin ang kanilang bahay sa Sitio Banaba sa Brgy. San Luis.
Bukod pa ito sa pitong napaulat na nasawi kung saan, apat dito ay dulot ng landslide, habang tatlo naman ang nalunod sa kasagsagan ng bagyong Enteng at habagat.
Ayon kay Relly Bernardo, Public Information Office chief ng Antipolo LGU, inanod ang bahay ng mga nawawala dahil sa pagbaha kaya’t umaasa silang matatagpuan pa ito ng buhay.
Nagiging pahirapan ang paghahanap dahil sa lagpas tao ang baha sa naturang lugar.
Samantala, nagkasa na ng forced evacuation sa Sitio Hinapao sa Brgy. San Jose na itinuturing nang danger zone dahil sa nangyaring landslide.
Isinasapinal pa ang aktuwal na bilang ng mga inilikas dahil nakatuon ngayon ang pansin ng mga awtoridad sa search and rescue operations. | ulat ni Jaymark Dagala