Nilinaw ng pamahalaang lungsod ng San Juan na bukas sila sa pagtanggap ng anumang tulong o ayuda para sa mga residente nilang nasalanta ng kalamidad.
Ang pahayag ay ginawa ni San Juan City Mayor Francis Zamora makaraang kuwesyunin nila Senador Jinggoy Estrada at Senador JV Ejercito ang ordinansang nagtatakda ng mga alituntunin sa pamamahagi ng tulong sa kanilang mga residente.
Ayon kay Zamora, hindi pamumulitika, bagkus ay pinaiiral lamang nila ang ipinasang ordinansa ng lungsod kung saan, kailangang makipag-ugnayan muna sa lokal na pamahalaan ang sinuman o anumang grupo na nagnanais magpaabot ng tulong.
Layon nito ayon sa alkalde na maisaayos ang pamamahagi ng tulong sa mga nasa evacuation center bilang ito nama’y nasa ilalim ng pangangasiwa ng LGU.
Iginiit din ng alkalde na walang multang ipinapataw para sa mga nais magpaabot ng tulong na hindi daraan sa LGU sa halip ay hindi papayagan ang mga ito na makapasok sa evcuation centers. | ulat ni Jaymark Dagala