Umakyat na sa 14,605 ang bilang ng mga magsasaka sa bansa na apektado ng matinding ulan at bahang dulot ng bagyong Enteng at habagat, ayon yan sa Department of Agriculture (DA).
Sa pinakahuling bulletin ng DA, kabilang sa mga rehiyong nagtala ng pinsala ang Central Luzon, Bicol, Western at Eastern Visayas.
Aabot na rin sa kabuuang ₱360-million ang halaga ng pinsala sa 9,254 ektaryang apektado ng kalamidad.
Pinaka-apektado ang palay, na may higit 8,800 ektaryang napinsala kung saan 65% ang partially damaged habang 34% ang labis na napinsala.
Patuloy naman ang assessment at koordinasyon ng DA sa mga apektadong lugar para sa ilalaan nitong tulong sa sektor.
Kabilang dito ang mga binhi, Survival and Recovery (SURE) Loan Program at Quick Response Fund (QRF). | ulat ni Merry Ann Bastasa