Hindi na matatakasan ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Leader Apollo Quiboloy ang batas at dapat na itong managot.
Ito ang pahayag ni Senate Committee on Women Chairperson Senador Risa Hontiveros matapos mapasakamay ng mga awtoridad si Quiboloy kahapon.
Pinuri at pinasalamatan ng senador ang mga alagad ng batas ng bansa para sa pagkakaaresto kay Quiboloy.
Matatandaang nagkasa ang Senate Committee na pinamumunuan ni Hontiveros ng mga pagdinig tungkol sa diumano’y pang-aabuso ni Quiboloy sa mga miyembro ng KOJC.
Kaugnay nito, nagpasalamat rin ang mambabatas sa mga victim-survivors na naglakas loob para magsabi ng katotohanan.
Sa panig aniya ng Senado, ipagpapatuloy nila ang imbestigasyon para matuldukan na ang aniya’y sistematikong pang-aabuso sa mga pinakabulnerable sa lipunan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion