Handa na ang lahat para sa gagawing paglilipat ng operasyon at maintenance ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa NAIA Infrastructure Corporation (NNIC), isang pribadong concessionaire sa ilalim ng San Miguel Corporation, sa darating na September 14.
Sa ginanap na Economic Journalists of the Philippines (EJAP) Aviation Forum, inihayag ni San Miguel Corp. Chairman Ramon Ang ang kanyang pananabik sa nalalapit na pagbabagong ito.
Tiniyak naman ni Transportation Secretary Jaime Bautista na ang paglilipat na ito ay magdudulot ng malawakang pagpapabuti sa NAIA.
Kapag natapos ang rehabilitasyon sa NAIA, inaasahang mapapataas nito kapasidad ng mga pasahero sa paliparan mula 35 milyon hanggang 62 milyong pasahero, at ang air traffic movement mula 40 movements per hour ay magiging 48 movements per hour.
Bukod pa rito, inaasahan din na magreresulta ang rehabilitasyon sa ₱900 bilyong kita para sa gobyerno sa buong tagal ng concession agreement.
Ayon pa kay Sec. Bautista, ang proyektong ito ay inaasahang lilikha ng hindi bababa sa 58,000 trabaho para sa mga Pilipino. | ulat ni Diane Lear