Siniguro ng Presidential Communications Office (PCO) na tinututukan rin nila ang paglipana ng deep fake at fake news sa papalapit na 2025 elections.
Sa pagtalakay ng P2.151 billion na panukalang budget ng ahensya, nausisa ni Caloocan Representative Mitzi Cajayon-Uy, kung ano ang mga hakbang ng PCO para masawata ang maling paggamit ng artificial intelligence lalo na sa paparating na halalan.
Tugon ni PCO Acting Secretary Cesar Chavez, mayroong ikinakasang National Information Summit ngayong Setyembre ang PCO.
Dadaluhan ito ng lahat ng kinatawan ng state media sa buong bansa kung saan kasama sa mga magiging pagkasa ang artificial intelligence.
Maglalabas din aniya siya ng kautusan para sa pagtatalaga ng mga ‘fact-check officer’ sa lahat ng regional offices ng Philippine Information Agency, Philippine News Agency at maging Radyo Pilipinas para labanan ang fake news.
Siniguro din ng kalihim sa mga mambabatas, na kasama ang mga isyung ito sa kanilang pinaghahandaan bilang communications arm ng pamahalaan. | ulat ni Kathleen Forbes