Patuloy na nakatutok ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa lagay ng Bulkang Kanlaon sa Negros kasunod ng naobserbahang pagtaas na naman sa aktibidad ng bulkan.
Sa monitoring ng PHIVOLCS, aabot sa kabuuang 337 volcanic-tectonic (VT) earthquakes ang naitala sa bulkan sa nakalipas na 24-oras.
Umabot rin sa 9,985 na toneladang volcanic sulfur dioxide (SO2) gas o asupre ang inilabas ng Bulkang Kanlaon.
Naapektuhan nito ang ilang kalapit lugar kabilang ang: Brgy. Ilijan, Bago City; Brgy. Ara-al and Brgy. San Miguel, La Carlota City; Brgy. Masulog, Brgy. Linothangan, at Brgy. Pula, Canlaon City.
Dahil dito, pinag-iingat ng ahensya ang mga residente dahil maaaring makaapekto sa kalusugan ang matagal na exposure sa volcanic sulfur dioxide.
Ayon pa sa PHIVOLCS, naobserbahan rin ang malakas na pagsingaw sa bulkan na may 1,000 metrong taas at napadpad sa timog-silangan.
Nananatili naman sa Alert Level 2 ang bulkan kaya patuloy na pinapayuhan ang lahat na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ). | ulat ni Merry Ann Bastasa