Naglatag na ng libo-libong family food packs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Northern Luzon area bilang paghahanda sa pagpasok ng Tropical Depression (TD) Gener.
Alinsunod sa direktiba ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, nakapaghanda na ang DSWD Field Office 2 Cagayan Valley ng 6,198 boxes food packs sa Lalawigan ng Batanes.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, dumating ang food packs sa daungan ng Basco sa isla ng Batanes sa pamamagitan ng logistical support ng BRP Waray (LC-288) ng Philippine Navy.
Pagtiyak pa ni Dumlao sa publiko, may sapat na resources ang ahensya na naka-standby para tulungan ang local government units (LGUs) na maaapektuhan ng sama ng panahon.
Nagpaalala pa ang opisyal sa mga mamamayan, na manatiling mapagbantay at sundin ang mga utos ng kanilang local chief executives upang matiyak ang kaligtasan. | ulat ni Rey Ferrer