Ibinida ni Senate President Chiz Escudero na naaksyunan na ng Senado ang 12 priority bills ng administrasyon.
Nagawa ito ng Mataas na Kapulungan sa loob lamang ng 30 session days mula nang mahalal na si Escudero bilang pinuno ng Senado noong May 20, 2024.
Siyam sa panukalang batas na naaksyunan na ng senado ang nakapila na para pirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tatlo ang nasa Bicameral Conference Committee level habang isa ang nakatakda pang aprubahan ng Kamara.
Kabilang sa mga nakatakda nang pirmahan ni Pangulong Marcos ang Academic Recovery and Accessible Learning Program (ARAL) bill, Magna Carta of Filipino Seafarers bill, Anti-Agricultural Smuggling Economic Sabotage bill, Self-Reliant Defense Posture Revitalization bill, Philippine Maritime Zones bill, VAT on Digital Transactions bill, Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) bill, panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law, at Enterprise-Based Education and Training Framework bill.
Sa kabuuan, 106 bills na ang naaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa kasama na ang mga local bills – mula dito 26 na ang naging batas mula noong May 20. | ulat ni Nimfa Asuncion