Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na layong ideklara ang November 7 ng bawat taon na special working holiday bilang paggunita sa Sheikh Karim’ul Makhdum Day.
Ito ay bilang paggunita sa pagtatatag ng unang mosque sa Pilipinas at ang pagpapakilala ng Islam sa bansa.
Sa panukala, nakasaad na bahagi ng polisiya ng bansa na kilalanin ang kontribusyon ng mga Muslim Filipino sa pagpapaunlad ng kultura at sibilisasyon ng Pilipinas.
Una nang sinabi ng Bangsamoro Commission for the Preservation of Cultural Heritage na ang Sheikh Karim’ul Makhdum Day ay isa sa mga itinuturing na mahalagang araw para sa mga Muslim sa Pilipinas dahil ginugunita dito ang pagdating ni Makhdum Karim, ang misyonaryong nagpakilala ng Islam sa Pilipinas noong 1380 o 141 years bago dumating si Ferdinand Magellan sa bansa.
Una nang pinaliwanag ni Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs chairman Senador Robin Padilla na sa kasalukuyan ay itinuturing nang non-working holiday ang November 7 sa BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao) at mananatili pa itong non-working holiday sa rehiyon sakaling maisabatas ang panukala.
Pinunto rin ng senador na sa pagpapasa ng panukalang ito ay layong mapataas ang kamalayan ng buong bansa tungkol sa islam at sa kultura ng mga Muslim.
Nagpasalamat naman si Padilla sa mga kasamahan niya sa Senado sa pagsang-ayon at pag-apruba sa panukalang batas.| ulat ni Nimfa Asuncion