Tiwala ang isang senador na makakatulong kung maisasabatas ang panukalang Philippine Maritime Zone Law para mapagtibay ang maritime domain ng Pilipinas.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na maisusulong din nito ang pagpapalakas ng teritoryo at pambansang seguridad sa West Philippine Sea.
Ayon kay Sen. Tolentino, ipinatutupad ng panukala ang mga probisyon ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ito’y sa pamamagitan ng pagtatalaga ng archipelagic sea lanes ng bansa at monitoring sa pagdaan dito ng mga dayuhang sasakyang pandagat at sasakyang panghimpapawid.
Sa oras na maisabatas, isusumite ito sa International Maritime Organization (IMO), na siya namang mag-aabiso sa ibang bansa ng bagong batas.
Naunang inihayag ni Senator Tol, bilang chairman ng Senate Committee on Maritime and Admiralty Zones, na inaabangan na lamang nila ang pagpirma ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. upang maging ganap itong batas saka ipapatupad para sa seguridad ng mga karagatan sakop ng bansa. | ulat ni Michael Rogas