Pormal nang nanumpa kay Presidential Communications Secretary Cesar Chavez bilang bagong Director General ng Presidential Broadcast Service – Bureau of Broadcast Services (PBS-BBS) ang beteranong mamamahayag na si Fernando “Dindo” Amparo Sanga.
Ang oath taking ceremony ay ginawa kahapon sa tanggapan ng Philippine Information Agency (PIA) kung saan present din ang ilang opisyal ng PBS-BBS.
Isinagawa na rin kahapon ang turnover ceremony kung saan pormal nang ipinasa ni outgoing Director General Rizal GIovanni Aportadera sa kamay ng bagong talagang DG ang pamamahala at pamumuno sa tanggapan kabilang ang nasa 30 istasyon sa bansa.
Kilala si Amparo sa malawak na karanasan sa pamamahayag na nagsilbi rin noong reporter/announcer ng PBS-BBS mula 1989-1994.
Tumatak rin ito bilang Radyo Patrol 26 sa ABS-CBN DZMM Teleradyo at naging Defense correspondent pa ng ABS-CBN Integrated News and Current Affairs.
Nagsilbi rin ito bilang Director/News Bureau Chief ng ABS-CBN TFC Middle East mula 2006-2010 na isa sa tumutok sa sitwasyon ng mga Pilipinong naipit sa gitna ng giyera sa Lebanon.
Si Amparo ay ang ika-16 nang naitalang Director General ng PBS-BBS. | ulat ni Merry Ann Bastasa