Pinangunahan ni Speaker Martin Romualdez ang panunumpa ni Percival Cendaña, kinatawan ng Akbayan Citizens Action Party, bilang bagong miyembro ng Kamara.
Kasunod ito ng proklamasyon ng COMELEC sa Akbayan bilang nanalong party-list noong 2022 elections na nagbigay daan sa isang pwesto sa Kapulungan.
Matatandaan na kamakailan ay pinagtibay ng Korte Suprema ang cancellation of registration ng An Waray Party-list, kaya’t may nabakanteng pwesto sa Kamara.
Salig naman sa Section 7, Article 6 ng Saligang Batas, magsisilbi si Cendaña hanggang June 30, 2025.
Kasama ni Cendaña sa panunumpa ang kaniyang pamilya at si dating Akbayan at Commission on Human Rights Chairperson Etta Rosales.
Dati nang nagsilbi si Cendaña bilang Commissioner ng National Youth Commission mula 2011 hanggang 2016. | ulat ni Kathleen Jean Forbes