Mahigpit pa ring binabantayan ng PHIVOLCS ang aktibidad ng Bulkang Taal kasunod ng muling naitala na phreatic eruption sa bulkan.
Sa inilabas na bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), bukod sa minor eruption, nagkaroon din ng dalawang volcanic tremor na tumagal ng tatlo hanggang siyam na minuto.
Umabot din sa 3,176 na toneladang volcanic sulfur dioxide (SO2) gas o asupre ang inilabas ng Bulkang Taal.
Gayundin ang pananatili ang ‘upwelling’ ng mainit na volcanic fluids sa Main Crater Lake.
Ayon sa PHIVOLCS, naobserbahan din ang malakas na pagsingaw sa bulkan na may 2,100 metrong taas at napadpad sa timog-kanluran.
Nasa ilalim pa rin ng alert level 1 ang Bulkang Taal pero patuloy na pinag-iingat ang publiko dahil sa posible pa ring pagtaas ng aktibidad ng bulkan. | ulat ni Merry Ann Bastasa