Ganap na alas-9 ng umaga, sa hudyat ng pagtunog ng sirena, sabay-sabay na nag-duck, cover, and hold ang mga lumahok sa 3rd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) para sa taong ito.
Pinangunahan nila Office of Civil Defense Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno, PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol, at Social Welfare and Development Undersecretary Diane Rose Cajipe ang ceremonial pressing of the button sa Brgy. Kapitolyo sa Pasig City.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Nepomuceno na sa pagtama ng malakas na lindol, libo-libong buhay ang tiyak na mawawala kaya’t dapat science-based ang mga nakalatag na solusyon.
Kabilang na rito ang pagpapatatag sa mga itatayong istruktura na kayang manatili kahit gaano kalakas na lindol ang tumama.
Binigyang-diin din ni Nepomuceno ang kahalagahan ng pakikiisa ng bawat isa sa pagsunod sa mga panuntunan tuwing may sakuna upang mabawasan ang casualties.
Sa kaniyang panig naman, sinabi ni Undersecretary Cajipe na hindi lamang dapat tuwing may Earthquake Drill maaalala ang dapat gawin sa sandaling tumama ang lindol kundi sa lahat ng pagkakataon.
Ang pagtama aniya ng lindol ay hindi maaaring malaman ng mas maaga kaya’t mainam na pag-aralan ang mga hakbang na inilatag ng pamahalaan upang masagip hindi lamang ang sariling buhay kundi ang buhay ng kapwa. | ulat ni Jaymark Dagala