Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hihinto na ang operasyon ng Children’s Joy Foundation Inc., isa sa mga organisasyong itinatag ni Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy.
Ito ay dahil hindi na na-renew ang accreditation nito sa Department of Social Welfare and Development.
Sa isinagawang DSWD forum, sinabi ni Assistant Secretary for Standards and Capacity Building Group Head Janet Armas na hindi na nag-renew ang Children’s Joy Foundation para magpatuloy bilang Social Welfare and Development Agencies o SWDAs.
Sa liham na ipinadala nito, tinukoy aniyang dahilan ng CJFI ang kawalan na ng kakayahang-pinansyal para magpatuloy ng kanilang operasyon na mangalaga ng mga kabataan.
Matatandaang una nang pinatawan ng Court of Appeals ng freeze order ang mga bank account, real estate properties at iba pang ari-arian na nakarehistro sa pangalan ni Quiboloy at KOJC batay na rin sa petisyon ng Anti-Money Laundering Council o AMLC.
Sa ngayon ay naasistehan na ng DSWD ang 32 mga menor de edad, kabilang na ang 13 na nailipat sa ibang partner foundations at 14 pa na naibalik na sa kani-kanilang mga pamilya.
Kaugnay nito, nilinaw ng DSWD na walang kinalaman dito ang mga kinakaharap na kaso ni Pastor Quiboloy. | ulat ni Merry Ann Bastasa
Photo courtesy of Children’s Joy Foundation Inc.