Sinisikap ng Office of Civil Defense (OCD) na matupad ang ipinangako ni Defense Sec. Gilberto Teodoro, Jr. na maramdaman pa ng publiko ang mga isinasagawang pagsasanay sa panahon ng sakuna gaya ng lindol.
Ito ang pahayag ni OCD Administrator, Usec. Ariel Nepomuceno kasunod ng isinagawang 3rd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong araw, September 26, 2024.
Magugunitang sa nakalipas na mga earthquake drill, sinabi ni Teodoro na asahang magiging malapit sa katotohanan ang mga tagpo sa mga isasagawang pagsasanay sa hinaharap.
Sinabi ni Nepomuceno na pinag-aaralan nilang gawin ito sa Clark o sa iba pang lugar sa bansa na kanilang makukuha upang maipakita sa publiko ang makatotohanang pagtugon sakaling tumama ang malakas na lindol.
Gayunman, sinabi ni Napomuceno na sa 4th Quarter NSED, nakatutok sila sa mga paghahanda at pagtugon sa sandali namang magkaroon ng tsunami.
Paliwanag niya, kailangang mabigyang pansin ang epektong dulot ng tsunami sakaling lumindol bilang ang Pilipinas ayon sa PHIVOLCS ay bahagi ng Pacific Ring of Fire. | ulat ni Jaymark Dagala