Ipinanukala ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Raymund Yamsuan ang mekanismo ng pagbuo ng conciliation committee sa loob ng homeowners’ association, upang mas gawing madali ang pagresolba ng dispute sa mga miyembro nito.
Ang House Bill 10908 ay makakatulong upang mabawasan na ang backlog ng mga kaso at reklamo sa korte na patungkol sa HOA related disputes, dahil sa loob pa lang ng asosasyon ay maaari na itong maresolba agad.
Ayon kay Yamsuan, maeengganyo ang HOA members sa isang diyalogo kung may komite na magangasiwa nito.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang komite ay binubuo ng tatlong miyembro na siyang pipiliin ng board of directors o trustees ng asosasyon.
Diin ng mambabatas, ang kanyang proposed legislation ay magbibigay buhay sa Republic Act 9904 o ang Magna Cara for homeowners Association. | ulat ni Melany Valdoz Reyes