Iminumungkahi ni Senador Francis Tolentino na umupa ang gobyerno ng police at naval assets para mapalakas ang kapulisan at hukbong pandagat ng Pilipinas.
Ayon kay Tolentino, ang ganitong panukala ay mabilis, episyente at praktikal.
Sinabi ng senador na maraming bansa na gaya ng Singapore, Australia, France, United kingdom (UK), Japan at India ang umuupa ng police at naval assets mula sa ibang bansa para makaiwas sa malaking gastos ng pagbili at sa maintenance ng mga ito.
Ginamit na halimbawa ng senador ang Singapore na umupa ng submarine mula sa Sweden para palakasin ang naval fleet nito.
Ang bansang Australia naman aniya ay umuupa ng police cars at mga ambulansya.
Una nang ipinanukala ni Tolentino ang pag-upa ng maritime vessels matapos mag-withdraw ang BRP Teresa Magbanua noong September 15 sa Escoda Shoal. | ulat ni Nimfa Asuncion