Nanawagan si Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr. sa mga tatakbo sa 2025 Mid-Term Elections na panatilihing mapayapa ang halalan.
Ang panawagan ay ginawa ng kalihim sa isang ambush interview matapos pangunahan ang pormal na pagtatapos ng National Peace Conciousness Month 2024 at Gawad Kapayapaan 2024 Awarding Ceremony sa Manila Hotel kagabi.
Ayon sa kalihim, nakatutok ngayon ang Office of the Presidential Adviser for Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa filing ng Certificates of Candidacy para sa 2025 Elections na magsisimula ngayong araw at tatagal hanggang October 8.
Umapela ang kalihim sa mga maghahain ng Certificates of Candidacy para sa iba’t ibang lokal at pambansang posisyon na manatiling kalmado.
Payo ni Sec. Galvez sa mga magkakatunggali na gawin na lang na parang “sports” ang labanan sa politika, para mapanatiling mapayapa ang halalan. | ulat ni Leo Sarne