Tiniyak ni Batanes Representative Ciriaco Gato Jr. na tuloy-tuloy ang koordinasyon ng kaniyang tanggapan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan, Office of the President, at Kamara, para sa kinakailangang tulong ng lalawigan.
Ito’y sa gitna ng pananalasa ng bagyong Julian sa Batanes kung saan itinaas ang Typhoon Warning Signal no. 4.
Ani Gato, bagamat sanay na sila sa kalamidad hindi maitatanggi ang malaking pinsalang dulot ng bagyong Julian sa kanilang probinsya.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa lokal na pamahalaan para sa maayos at mabilis na pagpapaabot ng kinakailangang tulong.
Umaasa at positibo naman ang mambabatas na makakayanang bumangon muli ng mga taga-Batanes mula sa epekto ng bagyo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes