Sinamantala ng ilan sa mga kongresista ng 19th Congress na maghain na ng kanilang Certificate of Candidacy ngayong araw, October 1.
Kabilang dito si House Speaker Martin Romualdez na tatakbo muli bilang kinatawan ng unang distrito ng Leyte.
Ito na ang kaniyang magiging huling termino kung papalarin.
Patuloy naman aniya niyang pagtutuunan ng pansin ang programang pang-edukasyon, kalusugan at imprastraktura para mapunan ang pangangailangam ng Leyte.
Plano rin aniya niya ipagpatuloy ang mga programang pangkabuhayan lalo na sa mga magsasaka, mangingisda at MSME.
Sinamahan siya ni Leyte Gov. Jericho Petilla sa paghahain ng COC.
“Ang patuloy na suporta ng ating mga kababayan ang inspirasyon ko upang ipagpatuloy ang ating nasimulan. Isa pong malaking karangalan ang magsilbi sa Leyte at sa buong bansa,” saad niya.
Magkakasama naman ang mag-aamang Villafuerte sa paghahain ng kanilang COC.
Si 2nd District Representative LRay Villafuerte, tatakbo sa pagka-gobernado habang ang anak na si Gov. Luigi Villafuerte ang papalit sa kaniya sa Kongreso.
Re-electionist naman si incumbent 5th district Rep. Migz Villafuerte.
Maging ang kasamahang si 1st District Rep. Hori Horibata ay tatakbo muli sa kaparehong posisyon.
Ang kapwa naman nila Bicolano na si Bicol Saro Party-list Rep. Brian Yamsuan, mula sa pagiging party-list representative ay sasabak sa congressional race bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Parañaque. | ulat ni Kathleen Forbes