Sa kabila ng hagupit ng Super Typhoon Julian, nagpatuloy ang pag-extend ng voter’s registration at filing ng Certificate of Candidacy (COC) sa lalawigan ng Batanes.
Kahit masama ang panahon, pinili ng COMELEC sa Batanes na isabay din ang extension ng registration sa filing ng COC kaysa humingi ng karagdagang araw para isagawa ang nasabing aktibidad, ito ay ayon kay COMELEC Chairperson George Erwin Garcia sa presscon matapos ang unang araw ng filing ng COC sa Manila Hotel Tent City.
Ayon sa PAGASA, patuloy na makakaapekto ang Bagyong Julian sa bansa partikular sa hilagang Luzon kung saan nakataas ang Signal Alert #1 sa ilang lalawigan doon kahit nasa labas na ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Inaasahan naman na papasok ulit ito ng PAR, hapon ng Miyerkules habang tinutumbok ang Taiwan.
Sa kaparehas na presscon, pinasalamatan naman ni Garcia ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), mga tauhan ng COMELEC, pamunuan ng Manila Hotel, at ang mga miyembro ng media sa kanilang suporta.
Umaasa ang mga opisyal ng COMELEC na magpapatuloy ang kaayusan tulad sa unang araw ng filing hanggang sa mga susunod na araw sa darating na October 8. | ulat ni EJ Lazaro