Nakatutok na ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga hakbang para matugunan ang bumababang huli ng mga mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).
Kasunod ito ng report ng Philippine Statistics Authority (PSA) na lumiit sa 101,000 MT ang nahuling isda sa WPS sa unang anim na buwan ng 2024 kumpara noong nakaraang taon.
Aminado ang BFAR na isa sa nakaapekto rito ang nagpapatuloy na tensyon sa WPS.
Bilang tugon, plano ngayon ng ahensya na palawakin pa ang monitoring, control, at surveillance nito sa mga karagatan sa bansa kabilang na ang West Philippine Sea.
Ayon kay BFAR Spokesperson Nazario Briguera, may ₱1.5 bilyong pondo nang nakalaan para sa pagbili ng karagdagang floating assets kabilang ang isang 50-meter steel-hulled multi-mission offshore vessel at isang 80-meter steel-hulled multi-purpose refrigerated cargo vessel.
Bibili rin ang BFAR ng dagdag na assets na magiging bahagi ng “LAYAG West Philippine Sea” program para mapalago ang huling isda sa naturang karagatan.
“The government has exhausted all necessary efforts to address the issue… Hindi po kami titigil para magpatupad ng mga programa na mas makakatulong po sa ating mangingisda,” ani Briguera. | ulat ni Merry Ann Bastasa