Nananatiling matatag ang presyuhan ng karne ng manok partikular na sa Kalentong Public Market sa Lungsod ng Mandaluyong.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, nasa ₱210 ang kada kilo ng whole dressed chicken, habang nasa ₱230 naman ang kada kilo ng choice cuts.
Unti-unti namang tumatatag ang presyuhan ng baboy sa gitna ng nagpapatuloy na bakunahan kontra African Swine Fever (ASF) kung saan, nasa ₱320 kada kilo ng kasim, habang nasa ₱350 naman ang kada kilo ng liempo.
Nananatiling mahal naman ang presyo ng karne ng baka na nasa ₱450 ang kada kilo, habang sa isda naman, naglalaro sa ₱180 hanggang ₱200 ang kada kilo ng galunggong.
Nasa ₱200 hanggang ₱220 naman ang kada kilo ng bangus, habang ₱120 hanggang ₱130 ang kada kilo ng tilapia.
Sa gulay naman, nananatili sa ₱100 ang kada kilo ng sibuyas, ₱140 ang kada kilo ng bawang, habang nananatiling mura ang kamatis sa ₱60 ang kada kilo dahil sa dami ng suplay.
Nass ₱100 naman ang kada kilo ng carrots at patatas, ₱120 ang kada kilo ng ampalaya, ₱70 ang kada kilo ng talong habang nananatiling mura ang repolyo at pechay-Baguio na kapwa nasa ₱55 ang kada kilo. | ulat ni Jaymark Dagala