Positibo ang pamahalaan hindi magiging hadlang ang Republic Act No.12023 o ang VAT on Digital Servies Law sa mga hakbang ng pamahalaan na makapanghatak pa ng mga dayuhang mamumuhunan sa Pilipinas.
Sa ilalim kasi ng batas, papatawan na rin ng 12% na buwis ang mga non-resident digital service providers, na nago-operate sa bansa.
“We are confident that this will not discourage them from coming here in the Philippines.” —Lumagui.
Sa press briefing sa Malacañang, ipinaliwanag ni Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr., na hindi naman na bagong konsepto ang pagbubuwis na ito.
Bagkus, palalakasin nito ang kapangyarihan ng pamahalaan na mangulekta ng buwis sa digital services.
“Ginawa lang nating batas ito para mas masigurado na walang doubt sa implementation ng VAT. Pero internationally, we are following also international standards dahil malinaw rin naman sa international community na kung ano ang vatable sales pagdating sa digital services. So hindi ‘yan bago sa mundo.” —Lumagui.
Malaking bagay aniya ang batas na ito, upang gawing patas ang kompetisyon sa merkado, lalo’t nagbabayad ng buwis ang local digital service providers sa bansa.
“Sa Bagong Pilipinas, hindi natin dinadagdagan ang buwis ng ordinaryong Pilipino; pinagtitibay natin at pinalalawak natin ang lakas ng ating Kawanihan ng Internas Rentas upang mas pagtibayin ito ang pagbubuwis lalo na sa mga kumpaniyang nakikinabang sa consumption sa bawat Pilipino.” —Comm Lumagui.| ulat ni Racquel Bayan