Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Anti Red Tape Authority (ARTA) ang hepe ng Land Transportation Office (LTO) sa Bustos Bulacan kasama ang isang fixer.
Ayon sa Public Assistance Division (PAD) ng ARTA, dinakip si Bustos, Bulacan LTO Chief Carlito Diala Calingo dahil sa umano’y pakikipagsabwatan kay Michael Santos Mendoza na isang kilalang fixer sa pagproseso ng driver’s license.
Batay sa reklamo, talamak ang fixing activity sa lokal na tanggapan ng LTO.
Nahuli ang LTO official kasama ang fixer na humihingi ng P7,000 para sa renewal ng driver’s license nang hindi na dadaan sa tamang proseso at standard procedures.
Inirekomenda ng ARTA ang pag-uusig kay Calingo at mga kasama nito dahil sa paglabag sa Republic Act 11032 at Republic Act 3019. | ulat ni Rey Ferrer