Inirekomenda ng Philippine National Police
Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang pagpapatalsik sa serbisyo ng 3 pulis at ang pagsuspinde ng 1 pang pulis na sangkot sa sapilitang pagkawala ng 2 lalaki sa isang hindi awtorisadong checkpoint sa Imus, Cavite noong July 13, 2023.
Ayon kay IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, sa isinagawang imbestigasyon —natuklasan na ang mga pulis na sangkot ay off-duty at walang pahintulot na magsagawa ng checkpoint.
Dagdag pa rito, inamin ng mga kasamahan ng mga pulis na ang mga lalaki ay hinuli dahil sa umano’y pagdadala ng marijuana at mga kagamitan sa paggamit ng droga, ngunit walang opisyal na rekord o paglilipat ng mga nakumpiskang bagay ang isinagawa.
Sa ngayon, nasampahan na ng mga kasong administratibo ang mga nasabing pulis dahil sa paglalagay ng hindi awtorisadong checkpoint, arbitrary detention, kabiguang i-turnover ang mga inarestong lalaki sa tamang awtoridad sa loob ng makatwirang panahon, kabiguang magsumite ng mga nakumpiskang gamit, at sa sapilitang pagkawala ng 2 lalaki.
Diin ni Dulay, hindi nila kukunsintihin ang anumang pang-aabuso sa kapangyarihan o maling gawain, lalo na mula sa mga pulis na may tungkuling pangalagaan at paglingkuran ang publiko.
Matapos ang rekomendasyon, ang PNP na ang magpapasya kung aaprubahan nila at ipatutupad ang pagpapatalsik.| ulat ni Diane Lear