Tintatayang aabot sa ₱102 bilyon sa loob ng limang taon ang makokolektang kita ng gobyerno sa pagsasabatas ng Value Added Tax (VAT) on Digital Services o RA 12023.
Ngayong taon lamang, nasa ₱7.25 bilyon ang inaasahang malilikom na revenue collection sa 50 percent compliance pa lamang.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, ang koleksyon ng gobyerno sa digital service providers ay direktang pakikinabangan ng mga Pilipino dahil ito ay gagamitin sa pagpapatayo ng mga eskwelahan, kalsada, ospital na mahalagang bahagi ng socio-economic programs ng administrasyong Marcos Jr.
Sa loob naman ng limang taon ang limang porsyento (5%) na kita ay ilalaan sa pagpapaunlad ng creative industries para palakasin ang susunod na henerasyon ng Filipino creators at entrepreneurs.
Magkakaroon ng 120 araw na transition period mula sa bisa ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas para makapagtatag ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng mga sistema ng pagpapatupad bago ipataw ang VAT sa mga dayuhang digital service providers.
Ang IRR ay ilalabas 90 araw mula sa bisa ng batas. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes