Naghahanda na ang Philippine Red Cross (PRC) para naman sa muling pag-aalburoto ng Bulkang Taal makaraang maitala ang panibagong pagsabog dito kagabi, October 2.
Kasunod niyan, sinabi ni PRC Chair at CEO Richard Gordon na nagpatawag na siya ng emergency meeting sa mga service manager at department head para talakayin ang kanilang mga ilalatag na hakbang.
Mahigpit aniyang nakatutok ang kanilang regional office sa CALABARZON partikular na sa lalawigan ng Batangas para magbigay ng pinakahuling ulat hinggil sa sitwasyon sa bulkan.
Sa kaniyang panig naman, sinabi ni PRC Secretary General Gwen Pang na naka-alerto na rin ang mga tanggapan ng PRC sa mga karatig lalawigan para tumulong sa posibleng rescue, relief, at response operations.
Sa kasalukuyan, mayroong dalawang ambulansya, water tanker, onion tank, hot meals van, 6×6 truck, rescue truck, at dalawang rescue boat ang PRC-Batangas kabilang na ang nasa 400 basic personal protective equipment at dalawang water treatment units. | ulat ni Jaymark Dagala