Tuloy ang plano ng Department of Agriculture (DA) na palawakin ang pagpapatupad nito ng ‘Rice-for-All’ at ₱29 Program na nag-aalok ng mas murang bigas sa mamamayan.
Kasunod ito ng nakamit na positibong tugon ng programa sa pinakabagong survey mula sa political consultancy firm na Publicus Asia kung saan tinukoy ang Rice-for-All program ng administrasyong Marcos bilang “most approved” government initiative.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, malaking bagay para sa kagawaran na kinikilala ng publiko ang pagsisikap ng pamahalaan na makapaghatid ng mas murang bigas.
Makakaasa aniya ang publiko na mananatili ang mga programang ito at palalawakin pa hanggang Mindanao para mas maraming Pilipino ang makinabang.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang rollout ng Rice-for-All at ₱29 sa 20 Kadiwa sites sa bansa kabilang ang Metro Manila, Calabarzon, at Central Luzon.
Batay naman sa datos ng DA, aabot na sa higit 135,000 sambahayan ang nakinabang sa ₱29 Program o may katumbas na 688 metriko tonelada.
Habang sa ilalim ng ‘Rice-for-All,’ nasa 122 metriko tonelada na rin ang naibentang well-milled rice habang 850 kilos naman ang naibentang premium rice sa mas murang halaga. | ulat ni Merry Ann Bastasa