Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil ang malalimang pagrepaso sa kung paano napasama ang pangalan ng napaslang na dating heneral at dating PCSO Board Secretary Wesley Barayuga sa drug watchlist.
Ayon sa PNP chief, hindi dapat nalalagay sa balag ng alanganin ang operasyon ng pulisya upang maitaguyod pa rin ang integridad, transparency, accountability, at accuracy nito.
Paliwanag niya, malaki ang epekto nito sa kanilang hanay lalo’t nais niyang patatagin pa ang tiwala ng publiko sa mga alagad ng batas.
Kasabay nito, kinumpirma ni Marbil na nagpapatuloy ang kanilang full-review sa proseso ng PNP bago maisama ang pangalan ng isang indibidwal, hindi lamang sa iligal na droga kundi sa tinatawag na crime-related list.
Sakaling maging “airtight” ang kanilang internal systems, mas magiging epektibo ang ginagawa nilang kampanya na nakabatay sa tamang ebidensya at validation process. | ulat ni Jaymark Dagala